Wednesday, January 25, 2006

Pinoy Joke: Anong Gantimpala Gusto Mo?

Isang napakayamang hari ang nagpa-contest. Nagpalagay siya ng tatlong malalaking pating sa kanyang Olympic size swimming pool. Kung sino mang lalaki ang makatawid sa pool ay ibibigay niya ang kahit anong gusto nito. Dumating na nga ang araw na hihinintay ng lahat. Napakaraming kalalakihan ang dumalo. Maaga pa lang ay marami na ang nabigo. Nawawalan na ng pag-asa ang mahal na hari. Malapit na mag-gabi at kaunti na lang ang natitirang kalalakihan. Wala pa ring nakakatawid ng swimming pool. Talagang nabigo na yata ang ating mahal na hari. Sa hindi inaasahan, isang lalaki ang mabilis na lumalangoy sa pool. Si Pedro, ang Kapitan ng Mababang Barangay. Nakita niya ang unang pating na parating sa kanya. Binigyan niya ito ng isang mala-Espinosang upper cut. Patay na lumutang ang pating. Patuloy siya sa paglangoy ng nakita niyang palapit naman sa kanya ang ikalawang pating. Binigyan niya ito ng isang mala-Flash Elordeng left hook. Patay na lumutang ang pating. Mabilis na naman siyang nagpatuloy sa paglangoy ng makita niya ang pangatlo at huling pating sa pool na parating sa kanyang direksiyon. Binigyan niya ito ng isang mala-Holyfield na jabs. Patay na namang lumutang ang pating. Patuloy ulit siyang lumangoy hanggang makarating sa dulo at sabay ahon. Gulat na gulat ang mahal na hari. Lumapit siya kay Pedro upang batiin ito. Subaybayan natin ang kanilang naging usapan:

HARI: Ang galing mo iho! Anong gantimpala ang gusto mo? Pera ba?
PEDRO: (Hingal sa Pagod) Hindi po.
HARI: Siguro gusto mo ng malaking lupain ko?
PEDRO: (Hingal pa rin) Hindi rin....po.
HARI: Alam ko na gusto mo ng magagandang mga sasakyan ano?
PEDRO: (Lalong hinihingal) Hindi rin....po.
HARI: Palagay ko naman 'yung anak kong magandang Prinsesa ang gusto mo ano?
PEDRO: (Hinihingal pa rin) Lalong hindi po.
HARI: (Galit na) Eh, ano nga ang gusto mo?
PEDRO: Isa lang po ang gusto ko.
HARI: (Talagang galit na) Ano nga ang gusto mo?
PEDRO: Gusto ko lang po....gusto ko lang pong malaman kung sino ang tumulak sa
akin sa swimming pool na 'yan?

No comments: